Mapalad ka nga, sabi nila, Lucia.

Sa'yo, ang pagmamahal ay isang paraan ng paglikha. Kayang-kaya mong kumurot nang kaunti sa iyong sinisinta at lumagda ng laksa-laksang piyesa. Marami nang tao ang napanatili mong buhay sa pamamagitan ng mga sulat mo. Ngunit marami rin ang pinapalisan mo dahil dito.

打开网易新闻 查看精彩图片

Malawak ang iyong kaisipan, malalawak ang iyong mga hinagap. Maging ang mga kisameng matagal mong tinitingala ay tila napupudpod sa dami ng pinturang mata mong nagpipinta sa gabi.

Totoong kakaunti ang tumatawag sa'yong mabait. Lalo na siguro kung tatanungin natin ang mga manggagawa sa ospital na tinatakasan mo. Sa mga mata mo, masama ang mga nakaputi at may hawak na hiringgilyang may antibyotikong pumapatid sa ugat mo. Kaya marahil marapat nating sisihin ang mga gamot na iyon sa kung ano ka ngayon.

Ngunit hindi rin maipagkakailang marami ang mangangarap na mahalin ka dahil maganda ka. Mga bilugang matang mapagmasid na tila laging may hinahanap sa bawat sulok ng silid. Kutis na hindi naaarawan dahil mas madalas kang nalunod sa sarili mong isip at mga ideyalidad kaysa sa mismong buhay. Mga kamay na sanay humawak ng papel at panulat, ngunit nag-aalinlangang humawak nang matagal sa ibang tao.

Maging ang paraan mo ng pagsasalita ay may kung anong bigat at kabuuan — isang tinig na malinaw, lalo na sa iyong mga nais.

Ngunit hindi nila alam ang mantsa sa iyong damit.

Hindi nila alam kung paanong ang pinakamalalim mong kagustuhan ay ang makilala, mahalin, at pag-arugaan, habang iyon din mismo ang pinakamalaki mong kinatatakutan.

Tila ba pakiramdam mo'y masasakop ang iyong bansa, ang iyong sarili, kapag hinayaan mong may magbalik ng lahat ng ibinibigay mo.

Kaya natuto kang magmahal nang paunti-unti lamang. Sa paraang laging may nakahandang plano kung paano umalis. May matang nakabantay sa mga pader na ikaw rin naman ang nagtayo. Marunong kang gumawa ng matitibay na bahay, ngunit palabas lamang lagi ang bukas.

At marahil, sa huli, ikaw rin ang nag-iwan ng sarili mong nakatayong bakante.